Robin: ‘Disinformation’ sa Social Media, Malaking Kalaban sa Pagbawas ng Teenage Pregnancies

Ang misleading o maling impormasyon na maaaring mapulot sa social media ay isang malaking problema na dapat tugunan kung nais ng mga awtoridad na bawasan ang teenage pregnancies, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes.

Ipinunto ni Padilla, ang tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na hanggang anim na oras ang nagugugol ng kabataan sa social media kada araw – higit sa panahon nila sa paaralan.

“Ang mga bata nakapanood na ng mga porn diyan. Nakakalungkot po. Sila, gusto natin malaman nila ang tama. Ang problema, minsan meron pa tayong bloggers, hindi din natin ma-control, nagkukuwento pa ng kanilang mga sexual exploits sa Facebook,” ayon sa mambabatas, sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Family Relations and Gender Equality.

“Meron pa tayong dating sites para sa mga teenagers,” dagdag niya.

Dahil dito, iginiit niya na hangga’t hindi natatalakay kung paano mapigilan ang paglabas ng ganitong maling impormasyon sa social media, maaaring mawalan ng saysay ang magagandang programa at panukalang batas laban sa teenage pregnancy.

Kinokontra lang ng ganitong maling impormasyon ang lahat na impormasyon na gustong ipaabot ng pamahalaan sa kabataan, dagdag ng mambabatas.

“Wala po tayong sapat na kapangyarihan para labanan ang mga impormasyon na lumalabas sa social media,” ayon kay Padilla.

Ani Padilla, ang Pilipinas ay “most social nation” kung saan 78% ng kabataan ay may mobile phone, at 59% ang may internet access at 53% ay may social networking account.

Kailangang magkaroon ng hangganan ang kalayaan sa social media para hindi malinlang ang kabataan – kung hindi, masasayang ang guguguling budget para sa mga programa ng pamahalaan, aniya.

Video: