Handang handa si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na tulungan ang People’s Television Network (PTV) para magkaroon ng sapat na kakayahan para labanan ang fake news – sa pamamagitan ng suporta para sa empleyado at pasilidad nito.
Ani Padilla, na namuno sa pagdinig ng mga isyu sa PTV nitong Huwebes, maghahanap siya ng paraan para matugunan ang mga problema sa PTV, kasama ang modernisasyon ng gamit at regularisasyon ng empleyado.
“Sa ngayon, lamang na lamang sa atin ang fake news. Kailangan nating labanan ito. Kailangan meron tayong medium na gamitin para malabanan ang kalokohan ng fake news na yan ang nakikita ko para labanan ang kalokohan na ito ang PTV,” aniya.
“Dapat kayo mag Number 1 kasi government kayo. Wala akong alam na bansa na di sinusuportahan ang government channel, lalo noong panahong sangkaterba ang fake news dapat kayo namamayagpag. Suportahan namin kayo pagdating ng budget hearing. Siguraduhin naming nandoon kami,” dagdag ng mambabatas.
Binigay ni Padilla ang pagtiyak na ito matapos idinetalye ni PTV general manager Analisa Puod ang kanyang mga ideya para ma-revitalize ang network. Kasama rito ang cultural, educational, sports at entertainment programs. Dagdag ni Puod, posibleng magkaroon ng collaboration sa katulad ng ABS-CBN para sa programming.
Nagmungkahi rin si Padilla na gumawa ng teleserye ang PTV tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. “Ako tutulong ako pero sa parte na merong future at meron akong nakitang future sa teleserye,” aniya.
Iginiit din ni Padilla na dapat maghanap ng paraan para maging regular ang empleyado, matapos malaman na may 120 regular employees lamang at 500 Contract of Service (COS) ang PTV – kung saan ang huling pag-regular ay 20 taon nang nakaraan.
“Kawawa ang mga tao,” aniya.