Hinimok ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Sabado ang kanyang mga kapwa Muslim sa Quiapo sa Maynila na magtulungan para linisin ang imahe ng distrito, at maaari nilang gawin ito sa pamamagitan ng pamumuhunan sa lumalagong halal industry.
Sa kanyang pagbisita sa Quiapo nitong Sabado ng umaga, iginiit ni Padilla na malaking oportunidad ang halal industry, lalo na’t nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na susuportahan at popondohan ito.
“Laging pinamamalita ng ibang tao, ang Quiapo ay magulo; e pupunta ko rito, wala namang magulo rito. Puro business lang dito. Kaya dapat tulungan natin si Congressman (Joel Chua) na linisin ang masamang imaheng binabato sa atin,” ani Padilla.
Dagdag niya, trilyong dolyar na ang halal industry sa buong mundo. “Aba, napakalaking pera po noon. Ganoon kalaki ang industriya ng halal. Kaya mga kapatid ko tandaan natin ito sapagka’t ito priority ng gobyerno,” aniya.
Nagbibigay ang Department of Trade and Industry ng pondo para sa halal industry, kasama ang para sa paggawa ng slaughterhouse, ayon sa mambabatas. Maaasahan din ang suporta mula sa Malaysia at United Arab Emirates, aniya.
Iginiit din ni Padilla na kasama sa pagiging halal ang pagtiyak ng mga Muslim na ligtas ang kanilang mga kapitbahay. Dahil dito, nangako rin siya na tutulungan si Congressman Joel Chua na aayusin ang Quiapo.
Ang hiling ni Padilla sa kanyang mga kapwa Muslim, iwasan ang mentalidad na tribo at pulitika. “Lahat tayo ay maging Muslim muna,” aniya.
*****
Video: