Pormal na humiling si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ng konsiderasyon para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy laban sa kanyang contempt order sa Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, hiniling din ni Padilla na mabigyan ng daan ang pagpapalabas ng Show Cause Order kay Quiboloy sa susunod na pagdinig ng komite, sa dahilang kaligtasan at kanyang pag-ambag sa lipunan.
“Bilang pangwakas po, nais ko pong ihayag sa opisyal na rekord ang ating kahilingan: ang mabigyan po ng konsiderasyon ang hiling ni Pastor laban sa contempt order ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, at mabigyan ng daan ang pagpapalabas po ng Show Cause Order kay Pastor sa susunod na pagdinig,” aniya.
Iginiit ni Padilla na malaki ang naiambag ni Quiboloy sa paglaban sa banta ng New People’s Army (NPA), sa pamamagitan ng kanyang media outlet na Sonshine Media Network International (SMNI).
Dagdag niya, may mga banta sa personal na kaligtasan ni Quiboloy, kung kaya’t kailangang niyang piliin ang pag-iingat sa paglabas sa pampublikong lugar. Bukod pa rito ang anunsyo ng Estados Unidos ng paghahain ng sakdal laban sa kanya.
“Isa po ang ating kahilingan para kay Pastor Apollo Quiboloy – iyon ay ang mabigyan lamang naman natin, hindi po ng kapalit, kundi ng karampatang pagtrato ang naging serbisyo naman po ni Pastor sa ating bayan,” giit ni Padilla.
“Bilang paglilinaw, hindi po niya tinatalikuran ang obligasyong sagutin ang mga paratang sa kanya. Ang nais po niya ay sagutin ito sa tamang espasyo kung saan matatamo niya ang isang patas na pagdinig at paggalang sa kanyang karapatan sa due process,” aniya.
Ani Padilla, tumulong si Quiboloy sa paglaban sa banta ng NPA sa pamamagitan ng SMNI network na inere ang pelikulang “Memoirs of a Teenage Rebel” upang makapaghatid ng mensahe sa mga kabataang tina-target po upang maging bahagi ng armadong pakikibaka.
Dahil sa suporta ng SMNI, aniya, maraming nagbalik-loob na rebelde. Dagdag niya, nagbigay ng suporta ang SMNI sa whole-of-government approach laban sa insurhensiya na isinusulong ng NTF-ELCAC.
Bukod dito, SMNI lamang ang network na umere ng dokumentaryo ni Padilla na “Isang Linggong Pag-Ibig,” patungkol sa kalagayan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Higit sa lahat, iginiit ni Padilla na ang mga akusasyon laban kay Quiboloy ay nasa bakuran na ng Kagawaran ng Hustisya na kanilang isasampa na sa naaayong korte.
Dahil dito, aniya, hindi na magkakaroon ng saysay ang pagdinig sa Senado dahil nasa kamay na ng hudikatura ang pagpapataw ng desisyon kung sino ang inosente at kung sino ang nagkasala – at masyado nang magastos kung talakayin pa ang kaso niya sa Kongreso.
Kinwestyon din ni Padilla ang patuloy na pagpapa-shutdown sa SMNI dahil sa diumano’y paglabag ng isa nitong programa, kung saan nadamay ang iba pang programa ng network – kabilang na po ang mga nilalamang pang-relihiyon.
“Malinaw naman pong pagsagasa ito sa ating freedom of religion and freedom of speech,” aniya.
*****
Video: