Iginiit ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules, Agosto 30, ang dalawang mahalagang pangyayari sa ating kasaysayan: ang pagsilang kay Gat Marcelo H. del Pilar sa Bulacan, at ang Battle of Pinaglabanan sa San Juan.
Ipinaalala ni Padilla sa kapwa senador na Agosto 30 ang ika-173 anibersaryo ng pagsilang ni del Pilar, isang mamamahayag na sumulong ng reporma sa Pilipinas noong panahon ng Kastila.
“Ngayon pong ika-30 ng Agosto ay atin pong ipinagdiriwang ang kaarawan po ni Marcelo del Pilar. At ngayon din po ang National Press Freedom Day,” ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media.
Sa ilalim ng Republic Act 11699, ang Agosto 30 ay National Press Freedom Day para gunitain si del Pilar, na itinuturing na “Father of Philippine Journalism.”
Bukod dito, ipinunto ni Padilla na noong Agosto 30, 1896 ay nagkaroon ng Battle of Pinaglabanan sa San Juan – ang pakikipaglaban ng mga Pilipino sa mga Espanyol.
Mga 200 Katipunero ang nahuli diyan at 153 ang napatay, aniya.
“Gusto ko lang po ipaalala sa lahat na napakahalaga ng araw na ito,” ayon kay Padilla.
Video: