Ipinagdasal nitong Miyerkules ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na tuluyan nang matapos ang giyera ng Israel at Hamas, para hindi na ito lumala at maapektuhan ang mga Pilipino.
Sa kanyang panalangin sa simula ng sesyon ng Senado, iginiit ni Padilla na naapektuhan na ng giyera ang matatanda at bata, Muslim man, Hudyo, at Kristyano.
“Panginoon namin, patawarin nyo po kami sa aming pagmamalabis, sa aming mga ginagawang hindi kanais-nais. Hinihingi po namin na tulungan nyo kami, bigyan kami ng talino, ng lakas para mapigilan po namin sa aming abot na makakaya ang karahasan na ito at magkaroon po ng tigil putukan, magkaroon po ng kapayapaan, magkaroon po ng pagkakaisa, pagkakaintindihan,” aniya.
“Dahil Panginoon namin, itong kaguluhang ito pag lumaki, baka hindi namin mapigil ito at ito po ay umabot sa aming bansa at magkaroon po ito ng hindi magandang epekto sa mga kababayan po namin, sa 80% ng aming mga kababayan na hanggang ngayon naghihikahos sa kahirapan,” dagdag ni Padilla.
Noong Nobyembre 23, kanyang kaarawan, nakiisa si Padilla sa buong daigdig sa panalangin upang matugunan ang malawakang kahilingang magkaroon ng tigil putukan sa pagitan po ng Israel at Hamas, na nakapaloob din po sa Resolusyon 2712 ng United Nations Security Council.
Aniya, nakapanlalambot na at nakadudurog ng puso ang sinasapit ng mga inosente at walang kalaban-labang naging biktima sa giyera, lalong higit sa mga bata, sa kabataan. “Isang napakalaking kalabisan po na mga ospital at maging mga refugee centers ay nadamay po sa opensiba,” aniya.
*****
Video: