Sa gitna ng pagsisikap nito para igiit ang karapatan sa West Philippine Sea, dapat may pareho ring pagpupunyagi ang Pilipinas para sa Sabah, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes ng gabi.
Ani Padilla sa kanyang interpellation sa panukalang batas para sa Philippine Maritime Zones Act, maraming natural resources ang Sabah na dapat pinapakinabangan ng mga Pilipino, lalo na ang mga nasa Muslim Mindanao.
“Ganoon din nating ipaglaban ang ating karapatan sa Sabah. Hindi ito usapin lang ng maliit na isla. Ito, malaking lupa ito. Ito ay may langis, may minerals (at) talagang dapat nakikinabang ang Pilipino sa Sabah ngayon pa lang. Paano natin ginigiit sa isla sa West Philippine Sea, dapat ay igiit natin ang karapatan natin sa Sabah pero di tayo humihingi ng gulo,” aniya.
Ayon sa mambabatas, may batas na noon pang Agosto 1968 – Republic Act 5446 – na itinuturing ang Sabah na teritoryo kung saan may “dominion and sovereignty” ang Pilipinas.
Noon pang unang privilege speech ni Padilla noong 2022, itinulak na niya na igiit ang karapatan nito sa Sabah.
Dahil dito, balak ni Padilla na panukalain ang amendment sa proposed Philippine Maritime Zones Act na isama sa definition ng baselines ang position ng Pilipinas sa Sabah sa ilalim ng RA 5446.
Payag naman si Sen. Francis Tolentino na nag-sponsor ng panukalang Philippine Maritime Zones Act na dagdagan ang linya na hindi inaabandona ng Pilipinas ang claim nito sa Sabah, basta’t tama ang pagkagawa nito.
“Kung magagawa ng tamang lengwahe ang pag amyenda di ako tututol … as long as it will strengthen not just the bill but our resolve that what is rightfully ours should be ours,” ani Tolentino.
*****
Video: