Nararapat magkaroon ng non-working holiday para alalahanan ng bayan ang ambag ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Pilipinas sa nakaraang 110 taon.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes, sa pagdinig ng kanyang komite sa panukalang batas na gawing nonworking holiday ang Hulyo 27 para gunitain ang pagtatag ng INC.
“Sa kasalukuyan, ang Iglesia ni Cristo ay may internasyunal na miyembro kabilang ang 151 na racial at ethnic backgrounds. Mayroon po itong halos 7,000 na kongregasyon at misyon na nakagrupo sa lampas 178 ecclesiastical districts sa iba’t-ibang bansa at huriskdisyon sa buong mundo. Ang nais ng panukalang ito ay bigyan daan ang milyon milyong mga myembro ng INC upang magkaroon ng angkop na celebration at pagbabalik tanaw sa mahalagang araw na ito sa kanilang kasaysayan,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
“Ako po mismo ay witness sa mga ginawang magagandang bagay ng INC… Nakita ko ang kanilang lingap di lang ito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Nasaksihan ko po ang para sa akin ay very godly na mga misyon ng INC. Hindi lang po sa Kristyano kundi sa mga Muslim,” dagdag niya.
Mungkahi ni Interior Department Assistant Secretary for Legal and Legislative Affairs Romeo Benitez na gawing special day ang Hulyo 27, kung saang kinikilala rin ng estado ang ambag ng INC sa lipunan.
Ayon naman kay Labor Undersecretary Felipe Ecargo Jr, dapat balansehin ang benepisyo ng manggagawa sa holiday, at ang pananatiling kaakit-akit ang Pilipinas sa mamumuhunan.
Tugon ni Padilla, pag-aaralan ng komite niya ang mga mungkahi nina Benitez at Ecargo. Ang mahalaga, aniya, ay ang pagkilala ng patriotismo at nasyonalismo na “buhay na buhay” sa INC.
“Mapaguusapan namin yan, titingnan namin,” aniya.
Video: