Robin: Israel, Pwedeng Maging Modelo Para sa Cannabis Medicalization sa Pilipinas

Maaaring maging magandang modelo ang Israel para sa Pilipinas sa pagpapahintulot ng paggamit ng cannabis (marijuana) para sa layuning medikal, kasama ang pagpigil sa maling gamit o pag-abuso nito, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Huwebes.

Iginiit ito ni Padilla sa pagdinig ng Senate Health Subcommittee kung saan itinalakay ang Senate Bill 230 (Medical Cannabis Compassionate Access Act). Aniya, marami siyang natutunan matapos siya nag-study tour sa Israel kasama ang technical team niya noong Mayo 1-3.

“Kilala po ang Israel bilang isa sa mga bansang mayroong pinaka-maayos at pinaka malinaw na batas at regulasyon sa medical cannabis. Sila rin po ang may pinaka mayabong na pag-aaral at pananaliksik ukol dito. At kung usapin lang din ng law enforcement o pagpapatupad ng batas, wala nang mas hihigpit pa sa Israel. Ang ating nasaliksik sa Israel ay isasama natin sa ating balangkas na batas na tugma din sa pangangailangan ng medical cannabis dito sa atin,” aniya.

Dagdag niya, malaking tulong ang Israel Medical Cannabis Agency at Israel Ministry of Health, na namamahala sa regulasyon at permit sa supply chain. Mahigpit din ang law enforcement sa Israel sa pag-track sa paggamit ng medical cannabis.

Iginiit muli ni Padilla na ang layunin niya ay ang paggamit ng cannabis para lang sa medikal na gamit at hindi sa recreational use.

“Ang ating adhikain ay klaro – na ang cannabis na ating pinag-uusapan ngayon ay bilang isang pang-gamot – medikal. At hindi para sa recreational katulad ng nasa The Netherlands at iba pang bansa,” aniya.

Nanawagan din muli si Padilla sa publiko na manatiling bukas ang isip sa medikal na paggamit sa cannabis. “Obligasyon po natin bilang isang mambabatas na punuan ito – na bigyan ng kalayaang mamili ang may karamdaman ng paraan ng paggagamot na sa tingin niya ay nararapat sa kanya, kaagapay ng prescription ng kanyang doktor,” aniya.