Bagama’t nilalaman ng ating Saligang Batas ang kalayaan sa pamamahayag at paglikha, hindi kailanman dapat abusuhin ang mga ito.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na itinalakay ang mga panukalang batas, kasama ang isang nagpapalakas sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para protektayan ang mga Pilipino, lalo ang kabataan, laban sa hindi kanais-nais na sine, publicity material at ibang audio-visual media.
“Muli po, ang akin pong paalala sa lahat: Huwag natin abusuhin ang salitang freedom of expression, freedom of speech, freedom of creation, na ang atin pong kultura lalong lalo na ang kapakanan ng ating kabataan ang nakasalalay. Hindi po sapat na dahilan ang mga ito upang manira tayo ng kapwa natin o ng mga dayuhan. Hindi po dapat tayo dapat nakadagdag ng apoy kundi dapat po tayo ay nagsisilbing tubig na nagpapatay ng apoy upang tayo po ay tumungo sa tunay na pagmamahalan, hindi lamang po Pilipino sa Pilipino kundi Pilipino sa dayuhan. Tayo ay nandito para magtulong-tulong para makamit ang kapayapaan at pag-unlad,” ani Padilla sa pagdinig kung saan nagpahayag ng suporta ang dayuhang organisasyon para sa panukalang bigyan ng dagdag na ngipin ang MTRCB.
Kasama sa mga organisasyon na nagpahayag ng suporta sa pag-update ng mandato ng MTRCB para sa makabagong media at distribution platforms, kasama ang online at streaming, ang Motion Picture Association at Asia Video Industry Association.
Ayon kay James Cheatley, regional director ng the Motion Picture Association, bukas sila sa ganitong panukala dahil ang mga miyembro nila ay gumagawa ng content “on a global scale” at iniintindi ang “regional and local differences related to religion (and) society.”
Dagdag ni Celeste Campbell-Pitt, Chief Policy Officer ng Asia Video Industry Association, handa silang makipagtulungan sa MTRCB.
Bago in-adjourn ang pagdinig, ipinunto ni Padilla na kailangang protektahan ang lahat na Pilipino, lalo na ang kabataan, laban sa pekeng impormasyon.
“Kailangan tayong lahat ay prophet of love and peace. Yun lang. At higit sa lahat true information. Magkasundo po tayo doon na tamang impormasyon,” aniya.