Robin, Kinondena ang Masamang Imahe ng Pilipinas sa Pelikulang Dayuhan

Kinondena ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Miyerkules ang masamang imahe ng Pilipinas na ipinalabas ng pelikulang dayuhan na “Plane.”

Sa kanyang manifestation, nanawagan si Padilla sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipagbawal ang pagpalabas ng pelikulang ito.

“Ginoong Pangulo, hindi po dapat ito tanggapin. Sana po, nakikiusap po tayo sa ating MTRCB na sana po sa mga ganitong ganap kumakatok tayo sa opisina nila, di po dapat ito pinapalabas sa Pilipinas. Dito po dapat sa ating bansa pinagbabawal ito at kino-condemn po natin ito,” ani Padilla sa kanyang manifestation.

Ani Padilla, reputasyon ng Inang Bayan ang pinaguusapan dito dahil mali ang imahe na pinapalabas ng pelikula sa pamahalaan. Sa pelikulang “Plane,” ang bida ay nag-crash sa Jolo na diumano’y kontrolado ng rebelde – at wala na raw dito ang pwersa ng pamahalaan.

“Reputasyon po ng Inang Bayan ang pinaguusapan dito, Ginoong Pangulo. Alam nyo po, pagka tayo pag pinaguusapan natin ang bayan natin at mga diprensya, ok lang yan kasi trabaho natin yan. Pero pagka ibang bansa na po ang bumabanat sa atin dapat di dapat tayo pumapayag,” ani Padilla.

Sang-ayon si Senate President Juan Miguel Zubiri, na nais namang ipahayag ng Pilipinas ang pagprotesta nito. “As a nation we should send our regrets this is not the real situation on the ground,” aniya.

Video: