Robin: Magandang Balita ang Bagong Balak na Rebisahin ang Economic Provisions ng Saligang Batas

Magandang balita ito para sa bayan!

Ito ang masayang pagtanggap ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa bagong resolusyon sa Senado para rebisahin ang ilang economic provision ng 1987 Constitution.

Umaasa si Padilla na ang hakbang na ito ay maging dahilan para sa pag-unlad ng bayan at ng mga Pilipino.

“Napakagandang balita po ito para sa Bayan. Magkakaroon na po ng bagong sigla ang ating ekonomiya tungo sa pag-unlad ng buhay ng mga Pilipino,” ani Padilla, na tagapangulo ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes.

Ani Padilla, matagal na niyang sinusulong ang reporma sa mga economic provisions ng Saligang Batas para pumasok ang pamumuhunan mula sa ibayong dagat – para magkaroon ng trabaho at ibang oportunidad ang mga Pilipino.

Dagdag niya, patunay ang bagong hakbang ng Senado para i-review ang Saligang Batas na tama ang direksyon niya nang ihinain ng kanyang komite ang committee report na nagmungkahi ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Sa committee report na ihinain noong Marso 2023, nagmungkahi ng pagbago sa pitong economic provision sa Saligang Batas, matapos ang ilang pagdinig sa mga probinsya.

Nguni’t walang senador na pumirma sa committee report noon, kung kaya’t hindi na ito natalakay sa plenaryo.

*****