Magiging maingay kami sa pagsulong ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines, lalo na ng Philippine Navy para sa pagtanggol ng ating teritoryo.
Ito ang pangako ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla matapos bisitahin sa BRP Tarlac sa Subic ang mga empleyado ng Senado na lumalahok sa Basic Citizen Military Course (BCMC) noong Lunes ng hapon.
“Ang ibig sabihin nito, may kakampi kayo sa Senado na patuloy na palalakasin natin ang modernization. Yan ang pinapangako namin sa inyo, hindi kami magiging bulag, hindi kami magiging bingi sa pangangailangan ng sundalo,” ani Padilla sa kanyang mensahe.
Dagdag ni Padilla, tiyak na may susuporta na mga reservist mula sa Senado, sa oras na makumpleto nila ang BCMC.
“Asahan ninyo magiging maingay kami pagdating sa modernization ng Navy,” aniya.
Ginunita rin ni Padilla ang karanasan niya nang kasama niya ang Navy at nakipaghabulan sila sa China Coast Guard sa West Philippine Sea noong 2021.
Doon niya nakita na kahit malaki at armado ang barko ng China Coast Guard samantalang rubber boat lang ang sasakyan nila at tumirik pa ang makina, hindi sila umatras.
Ani Padilla, nang tinanong sila ng taga-China Coast Guard kung bakit sila nandiyan, matapang pa rin na sinagot ng mga Navy na “amin ito.”
“Anong lesson sa nangyari sa atin? Huwag tayo magpapa-bully. Kahit na sila ang pinakamalaki, sila ang sinasabi nating pinakamayaman, ang asset natin ang kabayanihan ng ating sundalo. Maaasahan natin at yan ang nakita ko,” dagdag niya.
*****
Video: