Mananatiling patas ang mga pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa pamumuno ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para sa posibleng pagbabago sa ating Saligang Batas – kasama ang pagdinig na itinakda para sa Biyernes, Setyembre 2.
Tiniyak ito ni Padilla Miyerkules ng gabi, nang binanggit niya na magpapatawag pa rin ang komite niya ng eksperto sa Saligang Batas, at pati ang mga pro-federalism at pro-1987 Constitution.
Dagdag ng mambabatas, maaaring gawin sa malalayong lugar ang ilang pagdinig para maintindihan ng karaniwang Pilipino sa probinsya ang mga iminungkahi na pagbabago sa Konstitusyon.
“Ayaw kong isipin ng mga tao din na maging one-sided tayo. Hindi ito ipapatawag natin puro federalist lang. Ipatatawag din natin ang naniniwala sa 1987 Constitution at ito ay gagawin natin ang hearing na ito sa malalayong lugar,” aniya sa panayam sa NET-25.
Magkakaroon muli ng pagdinig ang komite ni Padilla sa Biyernes, Setyembre 2. Kasama sa mga inaasahang dumalo ay sina:
* National Security Adviser Dr. Clarita Carlos
* Prof. Solita Monsod
* Mr. Orion Perez Dumdum ng Constitutional Reform and Rectification for Economic Competitiveness and Transformation (CoRRECT).
Sa mga nakaraang pagdinig, inimbita ang mga dalubhasa na parehong pabor at hindi sa pagbabago sa Saligang Batas.
Iginiit ni Padilla na ang mga pagdinig ay para sa kaunlaran ng bayan, at hindi sa bangayan. Dagdag niya, layon ng mga pagdinig ang mag-ipon ng kaalaman para sa dulo ay alam nila kung ano ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa ngayon.