Sinimulan na ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang paghanap ng paraan para pigilan ang pag-abuso ng TikTok, YouTube at ibang media platform na gamit ang online streaming video.
Ito ay matapos mabatid na limitado ang kapangyarihan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na aksyunan ang mga hindi naaangkop na nilalaman ng mga palabas lalo na sa mga makabagong anyo ng media.
“Concerned lang ako doon, wala pong batas? Tayo ba, kailangang gumawa ng panukalang batas tungkol dito? Ano ang legality nito sa Constitution?” wika ni Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Mass Media and Public Information, sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee sa budget ng MTRCB para sa 2023.
Tinanong din niya ang MTRCB sa ilalim ni Lala Sotto-Antonio kung ano ang gusto nilang gawin ng Senado para tugunan ang problemang ito na hindi nilalabag ang Saligang Batas na gumagarantiya ng malayang pamamahayag.
Ayon kay Sotto-Antonio, ang kapangyarihan ng MTRCB ay limitado sa probisyon ng Presidential Decree 1986, at sakop lamang nito ang ipapalabas sa telebisyon – kasama ang “TeleRadyo” o radyo na may kasamang video. Dagdag niya, hindi sakop ng MTRCB ang “straight news” na walang halong “public affairs.”
Nang tinanong siya ni Padilla kung sakop ng MTRCB ang mga streaming platform tulad ng TikTok at YouTube, inamin ni Sotto-Antonio na hindi ito saklaw dahil sa limitasyon ng PD 1986 na binuo noong dekada 1980s. “Kaya hindi pa kasama ang online streaming sa MTRCB,” aniya.
Sa ngayon, ani Sotto-Antonio na nakikipagugnayan sila sa ilang kumpanya tulad ng Netflix at Amazon Prime na may parental control, at madaling kausap sa pagtugon sa kwestyonableng nilalaman sa pinapalabas.
“Can you call them and talk to them about it? With Sen. Robin, we can draft together something that will not make it more stringent but will allow evaluation if they are showing it here,” ani Sen. Grace Poe, na tagapangulo ng Committee on Finance subcommittee.
Dagdag ni Padilla, gagawa rin siya ng pagdinig ng Senate Committee on Mass Media and Public Information sa isyu na ito, at maaaring imbitahan ang kinatawan ng Netflix at ibang streaming platform, kasama na rin ang kinatawan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
“Mas maganda na makasama sila kung anong gagawin nating panukalang batas,” aniya.