Nangako ng hustisya si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pamilya ng isang menor de edad na babaeng ginahasa at pinatay ng ilang kalalakihan sa bayan ng Jose Panganiban sa lalawigan ng Camarines Norte.
Tumungo si Padilla, kasama si Gov. Dong Padilla, sa tahanan ng pamilya ng biktima kung saan humingi ng tulong ang ina sa mambabatas na tulungan sila.
“Sana, Senador, mabigyan ng katarungan ang anak namin… kahit naghihirap kami pipilitin ko na mabigyan ng katarungan ang anak ko,” ayon sa ina ng biktima.
Ikinalungkot ni Padilla na hindi maipagtatanggol ng awtoridad ang kapurihan ng kababaihan. Dahil dito, ipinangako niya na palalakasin niya ang mga nararapat na batas para hindi na mauulit ito.
“Kapag dumating ang panahon na ang kapurihan ng kababaihan ng isang Bansa ay hindi na maipagtanggol ng mga kalalakihan, ang katapusan ng sambayanang ito ay maliwanag ng naaaninag. Ang kawalan silbi at katahimikan ng kalalakihan lalo ng mga nanunungkulan ay simbolo ng kahinaan. Isang huwad na moralidad na kailanman ay hindi kinatigan ng Ano mang banal na kasulatan,” ani Padilla.
“Ang batas at hustisya ng Panginoong Maylikha ay maliwanag at pantay pantay. Walang mayaman, walang mahirap,” dagdag nito.
Nitong nakaraang Linggo, tumungo si Padilla kasama si Gov. Dong Padilla, Vice Mayor Kuatro Padilla, at PNP Bicol regional director P/Brig. Gen. Westrimundo Obinque sa pamilya ng biktima sa Barangay Parang sa Jose Panganiban – para ipaabot ang kanilang pakikidalamhati.
Ayon naman kay Gov. Dong Padilla, si Sen. Padilla ay “nagulantang sa napabalitang karumal dumal na krimen na naganap kamakailan na kinasangkutan ng mga menor de edad na kabataan.”
Dagdag ng gobernador, tinalakay nila ang sitwasyon ng suliranin sa iligal na droga “sapagkat sinasabi na lango sa ipinagbabawal na gamot ang mga gumawa ng karumal-dumal na krimen.”
Nagtungo rin sila sa puntod ng biktima para mag-alay ng dasal.
“Matindi ang pag-aalala natin maging si Senator Robin Padilla dahil hindi kilala ang ating lalawigan sa mga nakaririmarim na gawain tulad ng krimen na kinasangkutan ng mga kabataan.
Isa lang po ang hangad namin ni Senator Robin sa ating mga kababayan, ang isang mapayapa at maginhawang buhay para sa Camarines Norte,” dagdag niya.