Robin: Napakagandang Balita Kung May ‘3 Dutertes’ sa Senado

Napakagandang balita ang turing ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla kung maluklok sa Senado si dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang dalawa niyang anak sa 2025.

Ani Padilla na acting president ng partidong PDP, magkakaroon na siya ng kakampi sa Senado bukod kay Senador Christopher “Bong” Go, Ronald “Bato” dela Rosa, at Francis Tolentino.

“Napakagandang balita noon. Para sa akin magkakaroon ako ng kakampi sa Senado bukod kay Sen. Bong Go, Sen. Bato at Sen. Tolentino,” aniya.

Maaaring tumakbo sa 2025 si Go, dela Rosa at Tolentino para sa bagong termino sa Senado.

Ayon kay Padilla, maganda raw ang track record sa trabaho ng dating Pangulo, ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at ni Rep. Paolo “Pulong” Duterte.

“Pag paguusapan natin record sa trabaho wala tayong masasabi kay Pres, Pulong at Baste, nagtatrabaho naman mga yan,” aniya.

*****