Higit sa salita, dapat may gawa ang ating pamahalaan sa pagtanggol ng ating karapatan sa West Philippine Sea – at maaari itong simulan sa pamamagitan ng proyekto para sa turista at mangingisda.
Iginiit ito nitong Martes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, na nanawagan ng mga proyekto para paunlarin ang kalagayan ng mga mangingisda, sibilyan at sundalo sa Pag-asa Island matapos niya sila bisitahin noong Biyernes.
“Ang atin pong punto: Napakalaki ng pag-asa sa Pag-asa. Alam naman po natin ito: ‘Lahat ng lugar, kung iiwang nakatiwangwang at walang nakatira, titirahan po yan at titirahan ng mga iskwater. Sa kaso po natin, ang mga banyagang iskwater, hindi natin kayang sipain ng pwersahan.’ Ang pinakamainam po sa lahat ay punuin natin ito ng mga Pilipinong maninirahan sa islang tinatawag nating atin,” ani Padilla sa kanyang privilege speech.
“Kung atin pong tutugunan at bibigyang aksyon ang hinaing ng ating mga kababayang nahaharap sa araw-araw na hamon ng sikmura, seguridad, at kabuhayan — darating po ang panahon na hindi na natin kakailanganing sumigaw na ‘Atin ang Pag-asa’ dahil may buhay na buhay na patunay na sa atin ito,” dagdag niya.
Giit ni Padilla, na nanatili ng isang linggo sa Pagasa noong 2021 at bumisita sa Pagasa noong Agosto 11 para makita ang sitwasyon doon: “higit sa salita, dapat ay may gawa.”
Panawagan ni Padilla ang pagbukas ng mas malaking oportunidad sa pamumunhunan at kabuhayan para sa mga taga-Pagasa, lalo na ang pangingisda. “Panahon na po para maging pugad ng mga mangingisda ang Kalayaan. Maisasagawa po natin ito kung may fuel dump o gasolinahan sa mismong isla. Dapat ay may sustainable na pagkukunan ng enerhiya ang mga motor boats at power supply para sa mga residente ng Pag-Asa,” aniya.
Iginiit din niya ang mabilis na pagpapaggawa ng mga imprastraktura na nasira ng bagyo na hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa ring nakatiwangwang – kasama ang Munisipyo ng Kalayaan.
Nanawagan din siya ng mas malaking suporta sa Pag-asa Island Integrated Elementary and High School para sa mga kabataan ng Kalayaan; pondo para sa pagpapahusay ng mga pasilidad sa Kalayaan, kabilang na ang power system; rubber boat na may outboard motors; at pagbili ng komunikasyon at iba pang mission-essential equipment para sa Kalayaan Island Group detachment.
Kanya ring iginiit na ang housing program ay gumamit ng disaster-resilient infrastructure.
Samantala, nanawagan din siya para buhayin at buhusan ng puhunan para sa turismo dahil ang kalikasan at karagatan ng Pag-asa ay “kawangis ng Maldives.” “World class po ito kung atin lamang bubuhayin at bubuhusan ng puhunan para sa turismo,” aniya.
Tumungo si Padilla noong Biyernes sa Pag-asa Island, ilang araw matapos ang insidente sa pagitan na dalawang supply boats ng Pilipinas at China Coast Guard at mga militia vessel nito – kung saan binugahan ng water cannon ng Chinese vessels ang ating mga bangka na puno ng pagkain, tubig, at iba pang mga probisyon ay patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Kasama niya ang maybahay na si Mariel Rodriguez-Padilla. Sa kanilang paglapag ay nagpaabot sila ng kaunting tulong at saya sa mga Pilipino doon – sakto at nagdiriwang din ng kaarawan ni Mrs. Padilla, “kaya naman napili niyang makapiling ang mga taga Pag-asa.” Ani Padilla, hindi sila nakatanggap ng radio challenge mula sa mga Tsino habang papunta sa Pag-asa.
Ang Pag-asa Island ay bahagi ng Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea, tinatayang 200 nautical miles mula sa kanlurang baybayin ng Palawan. Tahanan ito sa 400 Pilipino.
“Napakaliit na lupa na may napakanipis na populasyon — pero wala pong makatatanggi at walang pag-aalinlangang kong sasabihin na ang Pag-asa ang pinakamahalaga at pinakamakapangyarihang yunit na saklaw ng Pilipinas sa usaping geopolitikal,” ani Padilla.
Video:
Ayon kay Padilla, batid ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang halaga ng Pag-asa Island sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1596 noong Hunyo 11, 1978, kung saan pormal na kinilala ang Kalayaan at siniguro ang pag-unlad nito bilang bahagi ng Pilipinas.
Sa kabila nito, nanghihimasok pa rin sa ating teritoryo at sa ating eksklusibong sonang pang-ekonomiya sa West Philippine Sea habang nanatili lamang pong pangalang ang “Pag-asa” dahil “hindi maabot o matanaw man lamang ng maraming Pilipino.”
“Sa gitna ng usapin dito sa Kongreso, ang nais po nating marinig ay ang umaalingawngaw na pahayag na hindi nag-iisa at kinakalimutan ang natatanging pamayanang Pilipino na naninirahan sa gitna ng napakalawak na West Philippine Sea,” giit ni Padilla.