Robin: Party-List System Katawa-Tawa Dahil Niyuyurak ng Mayayaman

Hangga’t hindi matugunan ito, mananatiling katawa-tawa ang niyurak na party-list system ng Pilipinas dahil ang mga mayayaman pa rin at hindi mga mahihirap at marginalized na Pilipino ang nakikinabang dito.

Iginiit ito nitong Lunes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, kung saan niya ipinunto na pati ang mayayaman na contractor ay may sarili nang party list.

“Karamihan sa ating mga party list ay kilalang mga contractors… Ito ay isang bagay na pagyurak sa Republic Act 7941. Siguro magsama-sama na lang ang contractor gumawa sila ng isang party list, hindi ang bawa’t isa meron silang party list,” aniya. 

“Itong ganitong sitwasyon, kapag hindi natin hinarap, magiging katawa tawa tayo sa 80% ng Pilipino sa ating bayan sapagka’t itong RA 7941 na ito ang nire-represent po nito ay 80% ng Pilipino na hirap na hirap sa kanilang buhay. Hindi ko po maintindihan kung bakit ang 20% pa ng ating mga kababayan na talagang mayayaman namin ay kailangan pang makinabang dito sa party list system,” dagdag niya.

Ikinalulungkot ni Padilla na hindi natupad ang layunin ng RA 7941, na bigyan ng boses ang mahihirap tulad ng mga manggagawa, mangingisda, magsasaka, kababaihan, maralitang tagalungsod, kabataan, mga katutubong komunidad, OFW, beteranong sundalo, propesyonal, may kapansanan at mga matatanda.

Pero ayon sa mambabatas, ang nakikita niya ay hindi pa rin nagkakaroon ng boses ang mga ito dahil sa baluktot na sistema.

“Nakalulungkot po sapagka’t parang hindi ko nakikita ito. Ang atin pong mangingisda, manggagawa at magsasaka, nandoon pa rin sa kalagayan na hindi pa rin sila napapakinggan na dapat napapakinggan na sapagka’t merong RA 7941,” aniya.

Video: