Robin: Political Amendments sa Saligang Batas, Malaki ang Magagawa vs Gutom

Hindi lang may magagawa kundi malaki ang magagawa laban sa gutom at ibang pangunahing problema ng mamamayan ang pag-amyenda sa mga political provisions ng Saligang Batas, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Sabado.

Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, kung mapapaayos ang sistema ng pulitika tulad ng termino ng mga opisyal, gaganda ang paghatid ng serbisyo publiko.

“Malaking bagay. Ang lahat ng root ng kahirapan natin ay kung ang perang dapat nakalaan sa ating bansa at taumbayan, masigurado nating lumanding sa taumbayan at Inang Bayang Pilipinas. Napakalaking bagay para umahon sa kahirapan. At napakalaking budget ng ating gobyerno para sa inyo at sa bayan,” aniya sa panayam sa DWPM (Teleradyo Serbisyo).

Kasama rito ang paniniguradong ang serbisyo tulad ng pagkain, kuryente at tubig ay nakakarating sa taumbayan.

“Pag nagkaroon ng matitinong opisyal lalo sa local government, mararamdaman ninyo ang gobyerno kahit sa malayong lugar. Yan ang ating minimithi, ang trabaho ng gobyerno siguraduhing ang basic needs maibigay,” dagdag niya.

Iginiit ni Padilla na dapat isabay ang pagbabago sa economic at political provision ng Saligang Batas. Aniya, ipinunto na ng dalawang dating kalihim – Margarito Teves (DOF) at Romulo Neri (NEDA) – na may edad na ang probisyon ng 1987 Constitution at hindi na makasabay sa pagbabago ng panahon.

Balak ni Padilla na maghain ng bagong resolusyon na isusulong ang pagbabago sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constitutional Convention, na binubuo ng delegadong pinagkakatiwalaan ng tao ay ihahalal.

Ihinain na niya ang Resolution of Both Houses 5 na nagpapanukala ng mas mahabang termino para sa halal na opisyal, para bigyan sila ng pagkakataong maipatupad ang kanilang mga plano at programa.

Sa ngayon, ipinangako ni Padilla na tuloy-tuloy ang paglaban niya para amyendahan ang Saligang Batas, lalo na’t pinaguusapan ito ng publiko.

“Kaya magandang senyales pag narinig natin di tumitigil ang usapin sa Chacha. Kaya di ako titigil hanggang nangangarap ang kababayan natin ng pagbabago, di titigil talagang mangungulit ako sa taumbayan,” aniya.

Samantala, nilinaw ni Padilla na bagama’t ipaglalaban din nya ang probisyon ng Saligang Batas laban sa political dynasty, dapat ito gawin nang unti-unti, para tiyaking ang mga opisyal na nakaupo ay handang magsakripisyo.

“Unti-unti nating ginagawa ito, ang sistema sa Pilipinas hindi natin pwede biglaan ang pagbabago dahil ang daming dadaanan bago gumawa ng pagbabago,” aniya.

*****