Dapat tiyakin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang reclamation projects na kanilang gagampanan – lalo na sa mga agricultural areas tulad ng Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija – ay hindi matatamaan ng baha.
Iginiit ito nitong Miyerkules ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Public Works, kung saan itinalakay ang mga panukalang batas kasama ang tungkol sa flood control projects.
“Kasi ang reclamation, yan ay tanda ng pag-unlad ng isang bansa. Ito ay ginagawa talaga at ako ay hindi kontra rito. Pero sana bilang kayo sa DPWH at kayo po ang aming inaasahan dito, dahil hindi lamang po Bulacan ang bumabaha. Pampanga, Nueva Ecija, tinatamaan po nito. Pagka ang mga lugar na yan binaha, ibig pong sabihin mga magsasaka ang tinatamaan dito. E dugtong-dugtong na po yan. Pagka sinabi nating magsasaka, tamaan na naman po tayo, importation na naman kaliwa’t kanan. E hindi na po matatapos ang problema ng ating bayan,” aniya.
Aniya, maraming bansa at teritoryo ang nabisita niya tulad ng Netherlands, Singapore, Macau, Hong Kong at Dubai, na may mga reclamation projects, nguni’t hindi naman bumaha nang malala.
Dagdag niya, ang importante ay tama ang gawa ng ganitong proyekto, at ito ang kanilang babantayan.
Nakiusap si Padilla sa DPWH na sana matugunan ng mga proyekto tulad ng 60-km floodway ang problema ng pagbabaha.
“Lahat po tayo ay public servant. Nakikiusap po kami sa inyo. At gusto ko pong ulitin na di ako kontra sa reclamation. Yun lamang pong baha, problema pa yan ng lolo ko, sana po ay maayos natin,” aniya.
Sang-ayon kay Padilla si Sen. Joel Villanueva. “Tama ho ang sinabi ni Sen. Robin. I also support reclamation kung tama ang gagawin,” aniya.
Video: