Magtanim ng kabutihan para magtagumpay. Ito ang payo ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa mga kabataan ng Basilan matapos siyang dumalo sa Taguima Youth Congress doon nitong Linggo.
Sa kanyang talumpati sa Basilan National High School, iginiit ni Padilla na ito ang susi sa tagumpay, bukod sa apat na kumite sa youth congress na tumutok sa kapaligiran, edukasyon, kalusugan, active citizenship, at peace-and-security.
“Tayo naman sa Islam, sa Kristyanismo, kahit anong religion ang pinakamahalaga sa lahat ang laman ng puso mo at ang laman ng puso mo yan ang uusbong. Pag usbong niyan, lahat ng swerte ay lalapit sa inyo. Success sa pag-aaral mo, trabaho mo, pera, susunod lahat yan,” aniya.
“Hindi ka susuwertehin kahit anong galing mo, kahit anong sabihin mo na nag-aral ka sa ganito, ikaw ang pinakamagaling, pero hangga’t meron kang katabi na inapi mo o talagang hindi mo tinrato nang maganda, hindi ka susuwertehin. Dahil dito sa mundong ito, maniwala kayo sa hindi, kailangan good karma. Kailangan ang ginagawa mong kabutihan ay babalik sa iyo yan at ginagawa mong pangit babalik sa iyo yan,” dagdag nito.
Ginawa niyang halimbawa ang pamangkin niyang si Daniel Padilla, na aniya’y naging matagumpay sa kanyang career, dahil mabuti ang kanyang asal lalo na sa kanyang magulang at kamag-anak.
“Kaya sa inyong edad, tandaan ninyo, ngayon pa lang umpisahan nyo na magtanim ng maganda. Ke kaibigan ninyo, pamilya ninyo, kapatid ninyo, kamaganak ninyo, laging magtatanim kayo ng kabutihan sa kanila,” ani Padilla.
Nagpahayag din ng suporta si Padilla sa pagtutok ng youth congress sa kapaligiran, edukasyon, kalusugan, active citizenship, at peace-and-security.
Aniya, 100 porsyento ang kanyang suporta sa kapayapaan at seguridad dahil nag-umpisa ang pag-unlad ng Basilan matapos mawala ang mga armadong grupo.
Nagpasalamat din si Padilla sa pag-imbita sa kanya ni Rep. Mujiv Hataman at ang kanyang anak na si Board Member Ahmed Djaliv “Amin” Hataman.
Video: