“Higit po sa lahat, sisingilin natin ang pananagutan ng mga responsableng kawani ng gobyerno.”
Ito ang pangako ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla matapos nitong magpaabot ng tulong sa mga pamilya ng mga nasawi sa trahedya sa Binangonan, Rizal noong ika-27 ng Hulyo, kung saan lumubog ang pampasaherong bangkang MB Princess Aya.
Tumungo ang kinatawan ng tanggapan ni Padilla, kasama si Gng. Nadia Montenegro, sa ilang barangay sa Binangonan at Jala-Jala sa Rizal para na rin ihatid ang pakikiramay sa mga kamag-anak ng mga biktima. Hindi bababa sa 27 ang nasawi sa trahedya.
Iginiit ni Padilla ang agarang pag-imbestiga sa trahedya at ang pagtiyak na mananagot ang mga tauhan at opisyal ng ahensyang may kinalaman sa pagtiyak ng kaligtasan sa biyahe sa dagat, kabilang ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).
Sa isang Facebook video nitong Huwebes ng gabi, idinetalye ni Padilla ang pagtugon ng kanyang tanggapan para magdala ng tulong sa pamilya ng mga biktima.
Binisita nila ang pamilya sa Barangay Sapang, Gulod, Janosa, Kaytome, Bilibiran, Buhangin, at Ginoong-Sanay sa Binangonan; at Barangay Bayugo at third district ng Jala-Jala. Sakay nila ang rescue boat, at tinulungan ng Department of Social Welfare and Development, Municipal Social Welfare and Development at Mayor Cesar Ynares.
“Ang nakalulungkot po, sa dami ng sinuong na pamayanan ng aming tanggapan, kalunos lunos ang estado na kanilang nadatnan. Kabilang na rito ang kawalang kakayahan ng mga pamilya na magpalibing ng kanilang mga mahal sa buhay at ang patuloy na paghahanap ng hustisya sa sinapit ng mga biktima,” ani Padilla.
“Nakakagalit at nakapanlulumo. Ang trahedya pong ito ay dulot ng kapabayaan na maari sanang maiwasan kung may matibay na pamantayan at pangangasiwa sa paglalayag,” dagdag niya.
Ipinunto ni Padilla ang ulat na overloaded ang banca, na may kapasidad na 42 pasahero pero may 70 ang sakay. Ipinunto rin niya ang ulat na kulang ang life vest, at diumano’y kawalan ng huwisyo ng kapitan ng bangka – kasama rin ang kapabayaan ng mga kawani ng goberyno na mapigilan ang mga pagkukulang ng bangka bago ito lumayag.
Nanawagan si Padilla ng mabilis na paglabas ng resulta ng Marine Safety Investigation na isinasagawa ng MARINA, at ang agarang resolusyon sa kasong sinampa laban sa pamunuan ng MB Aya Express – kasama ang may-ari, operator, at kapitan ng bangka.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang pagkikibit-balikat sa dumaraming kaso ng sakuna sa paglalayag, kung kaya’t titiyakin ng Senado na sa gaganaping pagdinig nito ang pagtugon sa mga butas sa mga panuntunan at batas ukol sa ligtas na paglalayag. Pokus nito ay “matugunan ang overloading, kaangkupan ng bangka para maglayag, training ng mga tauhan ng industriya ng maritime, at kahandaan sa emergency at sakuna,” aniya.
“Ipagdidiin ko po: Tulad ng mga biktima, marami pa rin sa ating mga kababayan na napipilitang baybayin ang karagatan araw-araw upang makauwi sa kanilang mga tahanan sa mga isla-barangay. Ang ating responsibilidad ay tiyakin na ang bawat paglalayag ay ligtas at payapa at hindi kailanman dapat maging banta sa kanilang buhay,” giit ni Padilla.
Video: