Sa gitna ng kontrobersyang kinasasangkutan ng Department of Tourism dahil sa “iresponsable at maling” produksyon ng tourism video, umaasa si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa muling pagsulong ng turismo ng Pilipinas.
Iginiit ni Padilla na hindi dapat mawala sa isip ng tao ang “Love the Philippines” bilang mensahe ng pag-ibig sa Pilipinas bilang diwa, kaluluwa, at puso ng pagsulong ng turismo sa bansa – at bilang liham ng pag-ibig para sa bawat Pilipino at sa buong mundo.
“Hangad ko po na kasabay ng ating pag-usad mula sa masukal na usaping ito ang pagkakaisa ng lahat sa ilalim ng iisang bandera: ang pagsulong ng turismo ng Pilipinas bilang mamamayang Pilipinong pinagbubuklod ng pag-ibig sa bayan,” aniya sa kanyang Facebook account.
Ani Padilla, na miyembro ng Tourism Committee ng Senado, kaisa siya sa mga Pilipino na nais makita ang kalinawan sa naging kakulangan sa tourism campaign video ng DOT – at ang pagtiyak ng pananagutan sa mga may pagkakasala.
Iginiit din ng mambabatas na malaki ang kanyang tiwala sa kakayahan ni Tourism Secretary Christina Frasco, kasama ang kanyang pagkilala sa agarang aksyon ng kagawaran tungkol sa isyu na ito.
“Bilang inyong lingkod bayan at miyembro ng Komite ng Turismo sa Senado, kaisa ako ng bawat Pilipino sa paghahanap ng kalinawan sa naging kakulangan ng de-bidyong kampanyang inilunsad ng Kagarawan ng Turismo. Kinikilala rin natin ang agarang aksyon ng DOT para tiyaking may pananagutan ang sinumang may pagkakasala,” aniya.
“Ang lahat ng makabuluhang ambag ni Secretary Frasco at ng lahat ng bumubuo ng DOT ay hindi dapat maisantabi at matabunan ng kontrobersiya. Kaya naman hindi po matitigil ang ating suporta at tiwala kay Secretary Frasco at sa Kagawaran,” dagdag nito.
Pinasyalan din ni Padilla ang mga taga-Alaminos City sa Pangasinan nitong Miyerkules. “Mabuhay ang ating Turismo,” aniya.