Ang eleksyon sa 2025 ay susi sa kinakailangang pagbabago sa pamahalaan, kung saan ang mahahalal na mga mambabatas ay susuporta sa pag-amyenda sa Saligang Batas para pumasok ang dayuhang mamumuhunan at maging mas mabisa ang sistema ng gobyerno.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Huwebes sa ika-29 anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Mandaluyong City.
“Sana sa 2025 magkaroon kayo ng intensyon na bumoto ng mga kandidatong hindi naman kilala pero naniniwala na kailangan nating baguhin ang porma ng gobyerno. Kailangan, isa na lang ang House para matipid sa gastos, mabilis ang mga batas, at sana pumayag na ang gobyerno na pumasok ang ating mga foreign investor,” ani Padilla, na sumusulong sa pag-amyenda ng ilang probisyon sa ating Saligang Batas.
“Bakit kailangan natin ng foreign investor? Para hindi na mag-abroad ang Pilipino. Para ang foreign investor dadalhin dito para magkaroon kayo ng trabaho, yan ho ang kailangan natin,” dagdag ng mambabatas.
Paliwanag ni Padilla, kailangan na ng Pilipinas papasukin ang foreign investor tulad ng ginagawa ng Vietnam, Singapore, at Malaysia. Kung hindi, aniya, baka malampasan pa tayo ng Cambodia.
Ayon din kay Padilla, sa kasalukuyang sistema ng gobyerno, dalawa ang kapulungan ng Kongreso – ang Senado at Kamara. Aniya, maaari namang gawing isa ang kapulungan para makatipid ang taumbayan.
Sang-ayon din ito sa nais ni Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng rightsizing sa pamahalaan, dagdag niya. “Ang rightsizing ibig sabihin maging mautak ang gobyerno na paliitin. Kailangan huwag tayo maging masyadong magastos, e ngayon ho masyado tayong magastos kasi may senador, may congressman pa kayo,” aniya.
Dagdag pa ni Padilla, hindi niya kayang mag-isang sumulong ng pagbabago sa Saligang Batas at kailangan niya ng mga mambabatas na naniniwalang kailangan nang baguhin ang sistema ng ating gobyerno.
Samantala, nanawagan si Padilla na suportahan ang TESDA dahil sa ngayon, ito ang ating panlaban sa kahirapan. Sa pamamagitan ng TESDA, aniya, magkakaroon ng trabaho ang mga graduate nito, kabilang ang 1.8 milyon TESDA scholars.
“Kaya sana yakapin nyo itong mga programang binibigay ng TESDA,” aniya.