Una, lubos tayong nagpapasalamat sa ating mga kaibigan sa ibayong dagat sa tulong na ipinaaabot nila para pigilin ang pagkalat ng langis galing sa MT Princess Empress sa Mindoro Oriental.
Habang ang isang barkong Hapon na may remotely operated vehicle ay papunta na sa Mindoro ngayong araw para tumulong sa cleanup operations, nagpahayag ng interes ang US Coast Guard na tumulong sa pagtugon sa problemang ito.
Ang pagtulong sa pagtugon sa environmental problem na ito ay maaaring ituring na isang “test case” para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at US – higit pa sa Balikatan joint exercises. Mas malaki ang nakataya sa krisis pangkapaligiran na ito kumpara sa conventional warfare, dahil ang pinaguusapan natin ay ang epekto sa pangunahing pangangalingan ng tao: ilan lamang dito ang pagkain, tubig, at pangkabuhayan.
Dahil dito, nananawagan tayo sa US bilang kasangga natin na tulungan tayo sa disaster response, dahil ito ang magpapatunay sa atin na tama ang ginawang desisyon tungkol sa EDCA.
Habang ang ating mga awtoridad ay nagiimbestiga para alamin ang dahilan ng insidente, ang ating prayoridad ngayon ay pigilan ang pagkalat ng langis sa ibang lugar at magbantang manira ng kabuhayan ng mga Pilipino.