Sen. Robin, Inendorso ang Kandidatura ng Mga ‘Baguhan’ para sa Senado

Buong suporta ang ibinigay ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para sa pagtakbo ng mga baguhan para sa Senado.

Nitong Lunes, sinamahan ni Padilla si dating Interior Undersecretary Jesus “Jayvee” Hinlo Jr., na naghain ng certificate of candidacy (COC) sa Commission on Elections (Comelec).

“What are my legislative programs when elected senator? First will be our fight against corruption. Second will be our fight against poverty. Third, reform in our education system,” ani Hinlo, na trial lawyer sa Bacolod City at deputy secretary general for Visayas ng PDP-Laban.

Nanawagan siya ng pag-amyenda sa Data Privacy Act at Bank Secrecy Law para mapadali ang pag-imbestiga ng kasong katiwalian.

Isinulong din niya ang pagkaroon ng “Philippine Patriotism and Ethics Studies” mula Grade 1 hanggang kolehiyo para tiyaking may tunay na pagmamahal sa bayan ang mga Pilipino.

Sa administrasyong Duterte, nagsilbi si Hinlo bilang Undersecretary for Public Safety ng Department of Interior and Local Government. Nagsilbi din siya bilang myembro ng Land Bank of the Philippines board; at Commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission.

Pang-limang senatorial candidate si Hinlo ng PDP-Laban. Noong nakaraang linggo, sinamahan ni Padilla ang apat pang senatorial bet ng partido, kasama si Phillip Salvador, Bong Go, Bato dela Rosa, at Jimmy Bondoc.

Sinamahan din ni Padilla nitong Lunes sa Comelec si Greco Belgica, na tatakbo sa Bisaya Gyud party list.