Sen. Robin, Nabuhayan ng Loob sa Sinabi ng Dating Chief Justice sa Kanyang Cha-Cha Petition

Nabuhayan ng loob si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa sinabi ni dating Chief Justice Artemio Panganiban tungkol sa petisyon na ihinain niya sa Korte Suprema noong nakaraang linggo, para resolbahin ang isang mahalagang isyu sa pag-amyenda sa 1987 Constitution: kung dapat magkasama o magkahiwalay bang boboto ang miyembro ng Senado at Kamara.

Sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer, pinuri ni Panganiban ang “patriotic intentions” ni Padilla at ang kanyang pagharap sa Korte Suprema ng “puzzlement that may set precedents in both substantive and procedural law.”

Ayon kay Panganiban, bagama’t may tatlong mahirap na isyu ang kaharap ng petisyon ni Padilla, hinahangaan niya ang “patriotic intentions” ng mambabatas.

Dagdag niya na hindi dapat ibasura nang basta-basta ng Korte ang petisyon ni Padilla dahil sa “transcendental issue” nito.

Nagpasalamat si Padilla kay Panganiban sa kanyang sinabi. Aniya, ito ang magiging inspirasyon niya kung kakailanganin niyang ilatag ang argumento niya sa Korte.

“Tanging inspirasyon ko ang mga sinabi ng ating mahal na dating Chief Justice,” aniya.

Noong Agosto 5, ihinain ni Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, ang instant petition na humihingi ng declaratory relief tungkol sa Sec. 1 at 3 ng Art. XVII ng Konstitusyon.

Hiningi ng petisyon ang “authoritative declaration” ng Supreme Court sa mga sumusunod na isyu:

* Kung ang Senado at Kamara ay dapat mag “jointly convene” bilang constituent assembly kung tatalakay ng pag-amyenda o pag-rebisa sa Saligang Batas sa ilalim ng Sec. 1(1), Art. XVII nito;

* Kung voting jointly, ang 3/4 sa ilalim ng Sec. 1(1) ba ay 3/4 vote ng Senado at 3/4 vote ng Kamara; o 3/4 vote ng 24 senador at lahat ng myembro ng Kamara;

* Kung ang Senado at Kamara ay dapat mag “jointly convene and assemble” kung nagtatawag ng Constitutional Convention at/o pag-submit sa electorate ang pagtawag ng ganitong convention;

* Kung voting jointly, ang requirement na 2/3 vote sa ilalim ng Sec. 3, Art. XVII, ay 2/3 vote sa Senado plus 2/3 vote sa Kamara; or 2/3 vote ng 24 senador at miyembro ng Kamara;

* Kung voting jointly, ang “majority vote” sa Sec. 3, Art. XVII ba ay majority vote sa Senado plus majority vote sa Kamara; o majority vote ng 24 senador kasama ang miyembro ng Kamara.

Ani Padilla, hindi niya magampanan ang tungkulin niya bilang tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes dahil sa kulang ng kalinawan sa mga nabanggit na probisyon.

*****