Sen. Robin, Nangako ng Farm-to-Market Roads at Mas Maraming Karapatan para sa Mangyan

Nangako si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ng farm-to-market roads at dagdag na karapatan para sa mga Mangyan matapos niya silang bisitahin sa Barangay Panaytayan sa Mansalay, Mindoro Oriental nitong Lunes.

Sa kanyang talumpati, idiniin ni Padilla – na nagpasalamat sa pagiging No. 1 sa Mindoro noong eleksyon sa 2022 – na tatrabahuhin nila ni Vice Governor Ejay Falcon para maisakatuparan ito.

“Nakita naming ano dapat ang unahin dito sa Mindoro at ang kailangan diyan magkaroon ayo ng farm-to-market roads. Kailangan magkaroon kayo ng kalsada ninyo sa sitio ninyo,” aniya.

“At yan po ang isang bagay na maipapangako ko sa inyo sapagka’t ang ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, yan din ang kanyang gusto, magkaroon ng kalsada ang nasa malayong lugar,” dagdag niya.

Nangako rin si Padilla na ipaglalaban pa niya ang karapatan ng Mangyan, kasama ang dagdag na kita para sa mga Mangyan at iba pang Indigenous Peoples (IPs) o katutubo sa paggamit ng kanilang lupa.

Ayon kay Padilla na tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs, maliit lang ang nakukuhang kita ng mga Mangyan sa paggamit ng kanilang lupa.

“Ang nangyari kasi yumayaman sa lupa ninyo, hindi kayo. Yumayaman ang ibang tao. At yan tandaan ninyo katulad ng sinabi ni Vice Gov, hindi kami mananahimik at ipaglalaban namin,” aniya.

Dumalo si Padilla sa Mindoro para sa mga aktibidad kabilang ang rehistrasyon, dental at medical mission para sa mga Mangyan.