Hindi kailangang maging matangkad o dayuhan para magbigay ng dangal sa Pilipinas – at ito ang napatunayan ni Carlos Yulo sa pagbigay ng dalawang gintong medalya para sa Pilipinas sa 2024 Paris Olympics.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na nagsilbing inspirasyon si Yulo para sa mga kabataang Pilipino na hindi kailangang maging matangkad upang magtagumpay.
“Binigyang diin ko na ito noong 2023, at uulitin ko ngayon: Si G. Carlos Yulo po, siya po ang halimbawa ng isang atletang Pilipino na hindi kailangang matangkad, hindi kailangang dayuhan, hindi kailangang isang atleta na tinatawag nating sumasali sa mga paligsahan na kailangan ay medyo ikaw ay pang-dayuhan. Siya po ay sukat na sukat,” aniya.
“At ito po sana ay maghikayat sa ating kababayan na kaparehas niya na magkaroon ng lakas ng loob na magsanay at hindi nila kailangang isipin sila ay kailangang maging matangkad o mag-training sa ibang bansa kundi kanilang pagyamanin ang kanilang talento, kanilang galing bilang mga Pilipino,” dagdag niya.
Sa kanyang co-sponsorship speech para sa Senate Resolution 458 noong 2023, ipinunto ni Padilla na hindi sa pagiging matangkad ang pagbigay ng karangalan sa ating bayan kundi sa sukat ng ating mga kababayan.
Nguni’t iginiit din niya noong Disyembre 2022 na hindi siya tutol sa pag-naturalize ng basketball player tulad ni Justin Brownlee dahil mahalaga ang pagiging matangkad sa laro tulad ng basketball – lalo na kung payag ang manlalaro na maging military reservist ng Pilipinas.
*****