SRP opening statement Hearing of Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs On SB 2406, National Day for Awareness of Religious and Traditional Garments and Attire

Dalawa po ang nakalatag na agenda sa araw na ito. Una po nating tatalakayin ang Senate Bill No. 2406 o ang National Day for Awareness of Religious and Traditional Garments and Attire, at pangalawa po ang Senate Resolution No. 743 na nauukol sa hinaharap na suliranin ng ating mga kapatid na Muslim ukol sa mga pagkain at produktong sumusunod sa kwalipikasyon ng halal.

Bilang pauna po, nais lamang nating ilatag ang buod ng aking unang inihaing panukala. Simple lamang po ang nilalaman nito: ang pagtatalaga sa ika-isa ng Marso bilang araw ng pagkilala sa mga pambansang kasuotang tradisyunal at panrelihiyon.

Ang atin pong kasaysayan ay hindi lamang po nasa mga aklat at dokumento, nakahabi rin po ito sa ating uri ng pananamit. Nariyan ang mga sikat na sikat na “Barong Tagalog,” “Balintawak,” at “Baro’t Saya.” Pero bukod pa po dito, mayroon pa po tayong samu’t saring katutubong kasuotan tulad ng Ilonggo jusi at pina, Moro malong, Bicol sinamay, nipis, at patadyong, ang Ilocano abel, Visayan tapis pintados, Bagobo dagmay, Bilaan tandayon, Mandaya ikat, at marami pang iba.

Sa madaling sabi, kung nais po nating bigyang diin ang pag-iingat sa ating pambansang pagkakakilanlan at sa bukod-tanging kultura at tradisyon ng isang daan at sampung (110) grupo ng Indigenous Peoples o IPs na binubuo ng 14 hanggang 17 milyong Pilipino, mahalagang hakbang po ang pagtatalaga ng isang araw ng pagkilala sa ating kasuotang tradisyunal at panrelihiyon.

Para sa maayos at mabilis na daloy ng diskurso, inaasahan po natin na ang bawat resource person ay direktang tutugon sa mga katanungan ukol sa panukala at magsusumite ng kanilang official position paper matapos ang pagdinig.

Sa punto pong ito, bubuksan na natin ang diskurso sa panukala.

Video: