Doon na tayo sa susunod nating paguusapan. Ito naman po ang patungkol po sa Senate Resolution No. 743. Ito ang napakakontrobersyal, ang plight of Muslim Community in the Observance of their Dietary Principles. Sa ilalim po ng nasabing resolusyon, ating hinimay ang mga pangyayaring maituturing na hindi lamang kalabisan o kalapastangan para sa mga Muslim kundi paglabag sa pangunahing karapatang pantao dahil ito po ay may kaugnayan sa isang pangunahing pangagailangan—pagkain.
Sa amin pong mga Muslim, kinokonsiderang Halal ang mga pagkain, produkto at gawa na naaayon sa turo ng Islam. Kasama na rito ang pagbabawal ng pagkain ng baboy o anumang hango at deribatibo nito mula sa hilaw na materyales, paghahanda, at pati na po ang pagproseso ng pagkain at produkto.
Ang pagkain ng hindi halal ay maituturing na ipinagbabawal o Haram sa aming pananampalataya. Sa madaling sabi, ito po ay mahalagang haligi ng pamumuhay ng Muslim at dahil ito ay usaping pagkain, ito po ay karugtong ng buhay ng bawat isa sa amin.
Kaya naman po lubos na nakababahala ang mga isyung kaakibat nito. Ilan lamang ang:
a) Ang magkasalungat na pahayag ng CDO at NCMF tungkol sa limang produkto ng CDO na may tatak na halal;
b) Nariyan din po ang pagpapakain ng baboy sa mga Muslim at Seventh-Day Adventist sa Bureau of Corrections base sa ulat ng Commission on Audit noong 2021;
c) Pag-uusapan rin po natin ang mga nabanggit na hinaing ng mga kasangkot sa hostage-taking ng dating Senador Leila de Lima, kaya nagdulot ng pagbuang sa kapatid at sila ay nang-hostage at napatay;
d) At ang pinakanakababahala po sa lahat, ang pagkamatay ng dalawa sa ating mga pulis dahil sa alitang nag-ugat diumano sa pagpapakain ng baboy sa kanilang kasamahang Muslim.
Atin pong tatalakayin isa-isa ang mga isyu ayon sa pagkakabanggit. Nais ko pong linawin: hindi po ito paghiling ng espesyal na pagtrato. Atin lamang pong inaasahan na sa usaping ito, ay magkaroon tayo ng tapat na pakikitungo sa ating kapwa, at ganap na transparency sa publiko nang walang anumang anyo ng panlilinlang.
Bilang pambuod, ang ating tutunguhin ay ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng industriya ng halal para maiwasan ang mga insidenteng taliwas at sa desbentaha sa ating mga kapatid na Muslim.
Akin lamang rin pong bibigyang diin na sa pagdinig na ito, isa rin po ang ating agenda – ang makapagsulong ng polisiyang makakatulong sa ating ekonomiya.
Napakalaki po ng industriya ng halal: higit sa 2.22 trilyong dolyar o 121.28 trilyong piso base sa International Market Analysis Research and Consulting Group nitong 2022. Inaasahang lalaki pa po ito sa P228.1 trillion sa 2028.
Alinsunod rin po ito sa pahayag ng aming Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, ang ama ng Bangsamoro Organic Law at ng National Commission on Muslim Filipinos Act, na buo ang kanyang suporta sa kooperasyon sa pagitan ng Brunei at Pilipinas tungo sa mas malaki at mas inklusibong halal industry dito sa ating bansa. Pati po ang ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nagpahayag na rin na bubuo ng Joint Commission Meeting sa pagitan ng ating pamahalaan at ng Malaysia para sa mga mahahalagang usapin kabilang na ang pagpapalago ng halal industry.
Muli po, inaasahan po natin ang direktang tugon ng ating bawat resource sa mga katanungan at magsusumite ng kanilang official position paper matapos ang pagdinig.
Yan po. Baka may gustong idagdag ang ating mahal na senador? Maraming salamat po. Bilang panimula ating ilatag ang foundational information, anong ahensya ang may authority mag-grant ng accreditation sa halal certifying bodies.
Video: