Part 1: Video: https://www.youtube.com/watch?v=EjG1DKb5AEo
06-25
Ako ay humihingi ng paumanhin sapagka’t ako po ay nandirito sa mataas na palapag. Ngayon lamang ito nangyari. Ito po ay bilang pagsunod sa gusto po ng ating bagong pangulo ng Senado, Sen. Escudero. Hindi ito ibig sabihin na ako ay mas mataas sa inyo. Hindi kailanman nanaisin ko … na ako ay mas mataas sa inyo. Ako po ay representante ng taumbayan sa oras na ito, ako po ay nagbibigay ng malalim na pagpupugay sa mga bisita ko po sa komite na ito sapagka’t ito ay makasaysayan, kayo ang matatawag na poste o haligi, kayo nagbibigay buhay sa ating bayan.
Ako sa oras na ito ay kasangkapan lang ako upang maipahayag kung ano po ang mga damdamin ng kababayan po ninyo sa kalsada na tinatawag natin sa 80% ng ating kababayan na nasa malayong lugar at nahihirapang kumonekta sa gobyerno. Ito po ang mga opinyon nila na kailangan pong iparating sa inyo at ang mga kailangan din ninyong iparating sa kanila, ay nakahanda ako maging inyong mikropono sapagka’t alam natin ang usaping legal sa ating bayan ay laging nakukulong sa salitang Ingles, sa salitang di maintindihan, sa salitang di maipatupad. Kaya ako po bilang inyong lingkod handa ako maging inyong mikropono sa ating mga kababayan upang ipaabot sa kanila ang mensahe ng haligi ng ating bayan.
Meron lang akong medyo bumaba ang … salita ko po, pasensya kayo, yan ay galing sa puso ko. At ito ang nais iparating ng komite.
Magandang hapon sa inyong lahat maraming salamat sa inyong pagpapaunlak sa aming imbitasyon ngayong araw na ito. Narito tayo upang talakayin ang sumusunod na panukala. Una ang SB 921, manner of selecting an acting president under Art 7 ang Executive Dept, Sec 7 of the Constitution. Yan ay panukala ni Sen. Koko Pimentel. At ang RBH 4, amendments to Sec 18 of Art 7 of the 1987 Constitution. SBH 7, amendments to Sec 1 of Art 17 of the 1987 Constitution; SBH 8 calling for a ConCon to revise the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines.
Opisyal na nating binubuksan ang pagdinig na ito. Nais nating kilalanin ang ating mga bisita. Comsec?
Part 2: Video: https://www.youtube.com/watch?v=Dnid3VWQJ7M
Noon pa man ay lagi na nating binibigyang-diin: ang ating Saligang Batas ang sagisag ng ating demokrasya na siyang sumasalamin sa ating kolektibong adhikain at naggagarantiya ng ating mga karapatan at kalayaan. Inilatag po nito ang balangkas ng pamahalaan ng taumbayan, sa taumbayan, at para sa taumbayan.
Sa kabila ng paglalagay natin sa pedestal ng napakahalagang dokumento na ito, hindi natin maiwasang makatagpo ng ilang mga probisyong nagbibigay kalituhan, o agam-agam. Hindi rin natin maikakailang may ilang probisyong naungusan na mga dekada na tila ba hindi na angkop sa pangangailangan ng modernong panahon.
Una nating tatalakayin ang panukala mula sa ating iginagalang na Pinunong Minorya Sen. Koko Pimentel III – ang Senate Bill No. 921 – na hangaring tumugon sa banta ng pagkakaroon ng ‘vacuum’ sakaling – huwag naman po sana – na mawala ang Presidente at Bise Presidente ng ating bansa. Para sa akin, ito po ay napapanahon, higit kailanman, na pag-usapan natin kung sino ang tatayo bilang lider ng ating bansa sakaling magkaroon man ng ganitong pangyayari.
Sunod po nating pag-uusapan ang argumento sa pagtatakda ng mga salitang “napipintong panganib” bilang basehan ng deklarasyon ng Batas Militar o Martial Law sa Seksyon 18, Artikulo VII ng Saligang Batas. Didinggin po natin ang mga maaaring positibo at negatibong epekto nito.
Ngayong hapon po ay tatalakayin din natin ang mga mekanismo sa panukalang pag-amyenda sa Saligang Batas. Nariyan po ang usapin kung ano sa tatlong moda ng pag-amyenda o panukalang susog ang naaangkop: ang Constituent Assembly ba? O ang Constitutional Convention? O People’s Initiative?
Sa usapin ng Constituent Assembly, uusisain po natin ang napakainit na paksa kung magkasama o magkahiwalay na boboto ang mga miyembro ng Kongreso, sang-ayon sa sinasaad ng Seksyon 1, Artikulo XVII ng 1987 Constitution.
Bilang panghuli, bibigyan po natin ng pansin sa ating talakayan ang kagalingang maaaring maging handog ng pamamaraan ng Constitutional Convention sa pag-amyenda ng ating Saligang Batas. Nais po nating marinig mula sa ating mga mahal na panauhin ngayong hapon kung ano ang mga benepisyo o limitasyon na maaaring maging epekto ng moda na ito sa pag-amyenda ng ating Konstitusyon.
Ika nga po nila, magiging ‘academic’ po ang ating approach sa ating pagdinig ngayong hapon. Inaasahan po nating magiging produktibo ang ating talakayan lalo na’t kapiling natin ngayong araw ang mga matatawag nating eksperto pagdating po sa nilalaman ng ating Saligang Batas.
Meron akong kahilingan na sana po walang magtaas ng boses o maging hindi kaaya-aya ang diskusyon. At sana po maging magalang tayo sa nakakatanda. Gawin natin na maging matamis ang paguusap na ito. Uunahin kong hingan ng kung may gustong idagdag ang ating minority (leader)? Ok na sa inyo ang rules natin? Mag-umpisa na tayo.
Sa puntong ito, atin pong simulan na ang ating pagdinig.
*****