Sa Tagapangulo po ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, sa mga iginagalang nating kasamahan na naririto ngayon, sa mga panauhin po, magandang umaga sa inyong lahat lalo sa mga namumuno ng PNP at inyong kasama taga-gobyerno lahat na Napolcom sa lahat sa KOJC magandang umaga po. Ako po ay nagpapasalamat din sa mga miyembro ng media, at sa lahat ng naririto ngayon, bagamat maulan po ngayong umaga, isang mainit na pagbati po sa inyong lahat.
Tayo po ay magkakapiling ngayong araw na ito sa bisa ng Resolution No. 1051 na inihain ng inyong lingkod tungkol po sa ulat ng mga naging paglabag ng ating mahal na kapulisan sa operation na isinagawa noong ika-10 ng Hunyo sa premises po ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City. Ito po ay lugar ng mga taong sumasamba.
Alam naman po natin na ang operasyon ay para ihatid ang warrants of arrest mula po sa Davao Regional Trial Court Branch 12 at Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 laban po kay Pastor Apollo Quiboloy at lima pang indibidwal.
Subalit, nais po nating bigyang-linaw, at sa huli mabigyan ng karampatang aksyon sa human rights, at solusyon ang mga sinasabing excessive force alleged na hindi naman sana kinakailangan sa parte ng atin pong mahal na kapulisan. Nakarating po sa atin na may mga nasaktan na mga misyunaryo mga taong Diyos po sa nangyaring tensyon sa loob ng compound.
Hindi po natin makalimutan na nasa polisiya po ng ating mahal na PNP ang pag-comply sa international human rights standards and practices sa pagsasagawa po ng mga police operations.
Sa puntong ito ay didinggin po natin ang bawa’t panig na kapiling natin ngayong araw na ito. Sa parte naman po ni Senador Bato na aming idolo ay sisikapin po namin ang pagsigurong paglinaw sa mayroong, alam nyo ang nakakalungkot, ako rin ang chairman ng committee ng mass media and public information. Sobra na po ang paglaganap ng fake news sa ating bansa. Ang nakakalungkot po ang pinakikinggan pa ng ating mga kababayan minsan ay ang mga blogger na di natin alam kung saan nanggaling na lupalop ng PH ang kanilang dunong at kagalingan, kung makabanat sa taong gobyerno di natin maintindihan at gumagawa ng peke, ginagamit ang AI.
Itong araw na ito gusto kong malinaw sa 2 panig na di kami nakaupo dito ni Sen Dela Rosa bilang kaalyado ng FPRRD o kami ay No. 1 sumusuporta kay VP Inday Sara Duterte. Nandito kami bilang senador independente, paguusapan natin ang mga karapatan ng ating kababayan na nasa Constitution. Kami ay senador ng bayan upang siguraduhin na ang Constitution ay walang pinipili. Ibig pong sabihin, ang lahat ay may boses. Ang lahat kailangan naririnig natin ang 2 panig dahil yan ang esensya ng ating demokrasya. Ang lahat may boses. Di pwedeng 1 lang narinig natin lalo sa 4 sulok ng Senado. Ang Senado ay boses ng bayan. Ang mga nandito po ay hinalal ng taumbayan upang magbigay ng patas na pagkilala sa bawa’t karapatan ng bawa’t tao. Ganoon din ang pagkilala natin sa serbisyo naman po ng ating kapulisan. Di natin nakakalimutan na ang kanilang kabayanihan at yan ang sinasaluduhan natin. Nguni’t sa katapus tapusan po ng usapang ito wag natin kalimutan na meron tayong Saligang Batas na nagbibigay proteksyon sa lahat, maging sibilyan, maging militar, maging pulis. Basta Pilipino, yan po tayo sa harap ng Saligang Batas, sa harap ng Diyos, sa harap ng batas ng tao, tayo po ay pantay-pantay.
Yun lamang po maraming salamat po.
*****
Video: https://www.youtube.com/watch?v=Ba9jOU89h6Y