SRP PRIVILEGE SPEECH on the LEAKED VIDEO OF THE LATE ACTOR RONALDO VALDEZ and REWIND

Ginoong Tagapangulo, isang manigong bagong taon po sa ating lahat. Ako po ay tumatayo sa pulpitong ito sa bisa ng personal at kolektibong pribilehiyo.

Batid naman po ng karamihan sa narito ngayon ang pagpanaw noong Disyembre ng isa sa mga batikang aktor sa mundo ng telebisyon at pelikula — si Ginoong Ronald James Dulaca Gibbs na mas kilala po natin bilang Ronaldo Valdez.

Hindi po mabilang ang taong nalungkot at nakidalamhati, kasama na ang mga taong napukaw ang mga damdamin sa mahusay na pagganap ni G. Valdez sa pinikalang tabing sa loob ng maraming dekada. Sa gitna po ng hinagpis ng pamilya, mga kaibigan at mahal sa buhay sa kanyang hindi inaasahang pagpanaw, lalo pong bumigat ang nararamdaman ng lahat sa pagkalat ng isang video sa social media na kinuhanan nang matagpuan ang nag-aagaw-buhay na katawan ni Tito Ronaldo sa loob ng kanyang silid sa kanyang bahay sa Quezon City.

Ginoong Tagapangulo, hindi ko na po hangad na ilarawan pa kung ano ang mga detalye na nilalaman ng video, ngunit akin pong binibigyang-diin ang kabastusan, kawalang-konsensya, at walang pakundangang mga alagad ng batas na nasa likod ng pagpapakalat ng nasabing video.

Bagamat batid po ng inyong lingkod na agad pong nasuspinde ng pamunuan ng QCPD ang nagpakalat ng video, hangad ko pa rin pong tawagan ng pansin ng mga ahensya ng gobyerno, lalo’t higit ang Philippine National Police, upang siguruhing hindi na po mauulit ang mga ganitong pangyayari.

Ayon sa pamunuan ng QCPD, haharap sa mga kasong administratibo ang mga pulis, kasama na ang neglect of duty at grave misconduct.

Gayunpaman, nais po nating malinawan kung bukod sa kasong administratibo, mayroon po ba tayong batas na may ngipin na direktang tutugon sa mga ganitong paglabag ng ating mga alagad ng batas? Ginoong Tagapangulo, plano po ng inyong lingkod na ihain ang panukalang bigyan ng mas mabigat na kaparusahan o kasong kriminal ang sinumang lalabag sa tamang paghawak at pag-iingat ng mga ebidensya sa isang imbestigasyon.

Nakarating rin po sa inyong lingkod ang ginagawang pagpapahirap at paggambala diumano ng mga involved na alagad ng batas sa pamilya ng yumaong aktor, partikular na sa kanyang mga anak na sina Janno at Melissa Gibbs habang sila ay nagluluksa.

Imbis po na maging panatag ang kalooban ng ating mga kababayan, nakakalungkot na mismong ang mga alagad ng batas pa ang nagdudulot ng pagkagambala at kawalang-katahimikan ng kanilang mga buhay.

Hindi po ito ang una at huling pangyayari kung saan nasangkot ang ating mga alagad ng batas sa paglalabas ng mga imahe o video na dapat sana ay ginagamit lamang bilang bahagi ng imbestigasyon. Wala tayong hiling kundi pagtibayin pa ang pananagutan ng ating mga law enforcers na siyang nagsisilbing pangunahing tagatugon sa oras ng ating pangangailangan.

Ngayon mahal na G Pangulo yan ang umiikot sa mundo ng pelikulang Pilipino at telebisyon. Kung meron pong masamang balita, meron din pong magandang balita. G Tagapangulo noong nakaraang MMFF, muli pong nagkaroon ng buhay ang pelikulang Pilipino sapagka’t lagpas po ng P1B ang kinita ng MMFF. Ito po ay napakagandang hudyat sa industriya ng pelikulang Pilipino. Kaya nais ko sanang bigyang pagkilala ang pelikulang Rewind.

Alam nyo po akala naming lahat tapos na ang industriyang pelikulang Pilipino pero ang pelikulang ito kumita higit P800M. Kaya ito pong pangalawang bahagi, ang unang bahagi ay ang masamang balita, ngayon ay magandang balita.

Sana po ay mabigyan natin ng magandang pagkilala si G Dingdong Dantes at Gng Marian Rivera at ang Star Cinema sapagka’t ito po ay tagumpay. Ang tagumpay po ng MMFF ay tagumpay na rin ng mga local govt.

Yan lamang po mahal na pangulo. Dalawang bagay. Nasa inyong kamay kung saan mapupunta. Maraming salamat po.

*****

Video: