SRP SPONSORSHIP SPEECH: COMMENDATION OF ‘REWIND’ (as delivered) Senator Robinhood C. Padilla, Author, Resolusyon Blg. 909

Ginoong Pangulo at sa lahat ng bumubuo ng lupon na ito:

Ang industriya ng pelikulang Pilipino ay naghihingalo bunga po ng taas ng singil ng sinehan sa pagpapalabas ng lokal na pelikula. Bunga din po sa napakaraming buwis na nakapataw sa lahat ng aspeto ng paggawa at pagpapalabas ng pelikula. Bunga din po ng kawalan ng interes ng ating mga kababayan sa mga naipapalabas na pelikulang Pilipino.

Kung atin pong iisa-isahin ay mapupunta lamang sa kalungkutan ang bulwagang ito.

Wala pong lugar ang kwento ng kasawian sa oras na ito sapagka’t una, ipinagdiriwang natin ang Eddie Garcia Bill. Pangalawa, nakita na po ang sinag sa kalagitnaan ng kadilimang bumabalot sa buong industriya ng pelikulang Pilipino – isang kinang na pumukaw muli sa pagkauhaw natin sa panonooring artista sa sinehan at isang pelikulang ating pipilahan at pagkakagastusan ng pinaghirapang salapi.

Dalawang artista: Si Ginoong Dingdong Dantes at Ginang Marian Rivera, at isang direktor Ginang Mae Cruz, ang nagbigay ng pag-asa sa naghihikahos na industriya ng Pelikulang Pilipino.

Nais ko po ibahagi sa lupon na ito ang pagbibigay ng parangal at pagkilala sa pelikulang Rewind sa ilalim ng Star Cinema production.

Hindi lamang po dahil sa halos isang bilyong piso ang kinita ng pelikula kundi dahil sa iniwan nitong pag-ibig at aral na tumagos sa puso at kaisipan ng ating mga kababayan. Hindi lamang po dito sa Inang Bayan kundi pati sa ibang bansa ay hindi nagpahuli ang ating mga kababayang Pilipino sa pagtangkilik sa pelikulang sumira, nagwasak (sa magandang mapaparaan po), at naghari sa larangan ng box office record sa buong kasaysayan ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Ang salmo ng parangal at pagkilalang hinihingi sa lupon na ito ay hindi lamang sa usapin ng pagiging bagong hari at reyna ng pelikulang Pilipino ang mag-asawang Dantes, kundi ang pagiging inspirasyon ng dalawang artistang ito sa libo-libong mga kababayan natin.

Ginoong Pangulo, sila po ang simbolo ng makabagong pamilyang Pilipino – may pag-ibig sa Diyos, sa bayan, sa kalikasan at sa kapwa-tao kung kaya nararapat lamang po ang ating pagkilala sa kanila sa hapong ito.

Maraming salamat po.

Video: